Friday, April 5, 2013

Sosyal Kapag English (Second Critical Commentary - Post-Colonial)

Source: http://www.globalbydesign.com/wp-content/uploads/2012/07/english-only-zone.png

Sa tinagal-tagal ng pagkakasakop sa atin ng iba't ibang bansa, 'di maipagkakailang laganap ang kanilang mga impluwensiya sa ating mga puso't isipan. Hindi man natin aminin, tunay na ngang apektado ang ating mga pamumuhay ng mga kagawiang pandayuhan.

Sa panahon ngayon, sadyang umaapela sa ating panlasa ang anumang gawa ng mga dayuhan. Mapa-damit man yan o pagkain, kitang-kitang ang mga gawa nila ang ating mas tinatangkilik. Kahit papano, katanggap-tanggap ito para sa akin dahil hindi naman ito maiiwasan, e. Minsan din kasi ay mas dekalidad ang mga ito kaysa sa mga sarili nating produkto. Hindi rin masisisi ang mga mamimili dahil, siyempre, dun na sila kung saan alam nilang 'di masasayang ang kanilang pera.

Ngunit, ibang usapan na yata pagdating sa wika.

Ang mga signboard sa kalye ay nakasalin sa wikang Ingles.

Ang mga subject sa eskwelahan ay nakasalin sa wikang Ingles.

Ang mga sinasabi ng mga tao sa paligid ay nakasalin sa wikang Ingles.

Bakit nga ba naging ganito?

Mahirap na bansa ang Pilipinas kaya't tila naging natural na sa atin ang maging ambisyoso at mangarap nang mataas. Sa patuloy na pag-ungos sa atin ng iba't ibang bansa, nabuo ang ating mithiing umunlad at maging katulad nila balang araw. Kaya nga, hayun, ganun na lamang kataas ang tingin natin sa kahit ano o kahit sinong banyaga. Sa sandaling tangkilikin natin ang anumang may kinalaman sa kanila, kahit papano ay nararamdaman nating patas lang ang ating katayuan sa buhay. Nililikha rin kasi nito sa ating mga isipan ang munting kaisipang baka sa pamamagitan nito tayo ay umunlad, yumaman, at ika nga ng masa, maging sosyal.

Hindi naman masamang tangkilikin natin ang mga gawa nila. Ngunit imbis na pangarapin nating maging eksaktong katulad nila, sana ay gawin na lamang natin silang inspirasyon upang mabuo o makilala natin ang nasyong gusto talaga nating maging. Isang nasyong may sariling pagkakakilanlan. Isang nasyong may paninindigan. Isang nasyong walang iba kundi tayo lamang ang pwedeng makalikha.

No comments:

Post a Comment