Friday, April 5, 2013

Mamaya Na (Third Critical Commentary - Indigenous Filipino)

Source: http://moblog.net/media/n/i/g/nige/lazy-hazy-friday-afternoon-at-work-1.jpg

Dalawang salita lamang ngunit napakabisa. Dalawang salita lamang ngunit napakalakas. Dalawang salita lamang ngunit marami nang naapektuhan.

Mamaya na.

Ilang oras na nga ba ang nasayang dahil dito? Ilang oportunidad na ang napalampas ng mga salitang ito? At ilang buhay na nga ba ang nasira dahil lang sa pagbigkas ng dadalawang salitang ito?

Kahit ako, hindi ako ligtas dito. Ilang "mamaya na" ang akin nang nabigkas magmula pa noon. Heto nga't naghahabol nanaman ako ng oras ngayon sa pagsulat ng blog na ito dahil naabutan na naman ako ng deadline sa aking kaka-"mamaya na." Iba't iba rin ang kadugtong nitong mga salitang ito. Minsan, maririnig natin ang "Mamaya na, tinatamad pa ako." O 'di naman kaya ay "Mamaya na, magpapahinga muna ako." Pwede rin ang "Mamaya na, madami pang oras."

Sabi nila ay isa lang daw ito sa mga maitutuing na hindi masyadong kaaya-ayang kaugalian nating mga Pilipino, kasama na rin ang "Bahala Na", Ningas Kogon, at ang konsepto ng Filipino time. Ngunit ano't ano pa man ang mangyari, hindi naman nating pwedeng ipagkailang ilan ang mga ito sa mga rason kung bakit isa tayong kakaibang lahi. Kung bakit tayo Pilipino.

Hindi na natin maiaalis sa ating katauhan bilang isang nasyon ang mga kaugaliang ito. Tulad ng hindi na rin natin maiaalis sa ating katauhan ang mga katangiang pandayuhang naka-embed na sa ating pagkakakilanlan. Gayunpaman, naniniwala pa rin akong hindi natin lagi dapat gamiting dahilan o paliwanag ang mga ugaling ito para pagtakpan ang ating mga ginagawa. Bagkus, dapat nating gamitin ang mga itong motibasyon o inspirasyon upang umunlad.

Dapat din nating i-tatak sa ating mga isipang hindi natin kailangang talikuran ang lahat ng ating mga nakaugalian at nakagawian. May pagbabago sa pagkilala natin kung sino talaga tayo. May pagbabago sa pagtuklas natin ng tunay nating identitad. May pagbabago, kung mamarapatin lamang natin ito, hindi mamaya o bukas, kundi ngayon.

No comments:

Post a Comment