Tapos na ang mga araw kung kailan ang pulitika ay tungkol lamang sa gobyerno, sa mga pulitiko, at sa mga istruktura ng mga nakatataas sa atin. Sa panahon ngayon, maaari nang maituring na pulitikal ang halos lahat ng bagay sa ating paligid. Maituturing na ngayong pulitikal ang mga bagay na personal sa atin kasama na ang mga bagay na ginagawa natin araw-araw at mga ordinaryong bagay na pumapaloob dito.
Noong nakaraang ika-1-3 ng Marso, nagkaroon kami ng fieldtrip sa iba't ibang lugar sa bayan ng Laguna para sa aming klaseng Culture and Politics. Nilalayon nitong ma-obserbahan namin ang iba't ibang kulturang naroroon ngayon, kasama na ang mga klase ng taong pumupunta rito, mga bagay na pwedeng gawin, at pati na rin ang mga uri ng libangan na naroroon.
Source: https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEhCeVB8UfiA9VVGfRazZe9AFsBarZnlqouJRl2BqnhNZtFJO6cRTEHlzyoQsg2iPEYT9Wbzdk-Lia_EmGN1GCXF3DM2Q-eQGhondK9d1JARr0l1ApbIlhE-2dwnhnfIDLKeHCF9qWIpD0v6/s1600/23.jpg
Hindi ito ang unang beses na ako ay nakapunta sa Paseo de Sta. Rosa. Sa katunayan, hindi ko na nga mabilang kung ilang beses na akong nakapunta rito dahil sa dalas nang pagpunta namin dito nung kami ay taga-Cavite pa. Ilang ulit man akong pumunta rito, iisa pa rin ang aking paningin sa lugar na ito: ang pangingibabaw ng partisyon ng klase. Marahil naman talaga ay malinis ang intensyon ng kanilang pamunuan: na tanggapin ang lahat ng klase ng tao at iparamdam sa kanilang mayroon silang lugar para sa lahat. Dahil na rin sa paghiwa-hiwalay ng mga stalls dito ayon sa klase, kahit wala namang malinaw na harang na nagpaparte sa mga pasyalan dito, naipararamdam pa rin nila sa taong hindi sila maaaring pumunta sa lugar na hindi nakatalaga para sa kanilang klase. Dahil dito, masasabi kong hindi nila nagawang magtagumpay sa pagpapakita ng kanilang hangaring maging one-stop shop para sa lahat.
Source: http://www.smprime.com/smprime/uploads/image/mallList/SM%20Calamba.jpg
'Di tulad ng Paseo na ilang beses ko nang napuntahan, iyon naman ang aking naging unang pagpunta sa SM City Calamba. Tulad ng ibang SM na aking napuntahan, mabibili ang halos lahat ng iyong kailangan dito - pagkain, damit, atbp., at makakahalubilo mo rin ang iba't ibang klase ng tao rito - mayaman, mahirap, may kaya, atbp. Masasabi kong isa ito sa mga lugar kung saan nawawala ang partisyon ng mga klase. Kung ikaw ay nakaaangat sa buhay, siyempre, doon ka pupunta kung saan sa iyong palagay ay nararpat lamang sa iyo; ngunit hindi ibig sabihin nitong hindi ka na makakapunta sa mga lugar dito na mas ineengganyo ang masa.
Isa pang naging obserbasyon ko rito ay ang pagkakaroon nito ng lahat ng bagay na pwedeng ibenta. Lahat na marahil ng iyong maiisip na pwedeng maibenta ay matatagpuan mo rito. Sa unang tingin, magandang bagay ito dahil ginagawa nitong convenient ang ating buhay. Ngunit kung ating susuriin, tila nga ba tayo ay napagsasamantalahan na. Gagawa at gagawa sila ng paraan upang maibigay nila sa atin ang ating mga kailangan para rin sa kanilang kapakanan: upang kumita nang mas malaking pera.
Napansin ko ring di matawaran ang dami ng tao dito sa mall na ito. Mapa-estudyante, empleyado, pamilya, lahat sila ay naririto. Mapapansin ding madaming lugar dito kung saan pwedeng umupo lamang at magpahinga ang mga tao. Sa aking palagay, ito ay dala na rin ng pagiging mailap ng mga pook-libangan sa mga probinsya kaya't minamarapat na lamang ng mga tao roong magliwaliw at magpalamig sa lugar na ito.
Source: https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEh6aa9Dg69bQKwj_EZQDr6gmyWX98NoE0lyP229_vlOmzrZu0-YyguTmqL5-P8VA2BYs_NDQCHAY2GrHUrgLz7h6KGgwS7RSsX9GGfpiy89dztjCh-KyDLg-vibQvwt7jLsIN6-tpuFsUZk/s1600/liliw+collage.jpg
Source: Facebook
Sa aking unang pagbisita sa bayan ng Liliw, bumungad agad sa amin ang napakaraming mga sapatos. Nagulat ako noon at totoo ngang pra na rin pala itong Marikina. Tila nakikisabay sa pag-usad ng panahon ang bayan ito. Mapapansin ito sa kanilang mga produktong moderno na ang mga istilo at disenyo. Makakakita rin dito ng mga pagkaing kanilang itinataguyod para magsilbing pasalubong ng mga dumadayo rito. Subalit mapapansin namang kanila lamang inangkat ito mula sa mga karatig-bayan nito. Samakatuwid, ang Liliw ay isang bayang masasabing nasa proseso ng kalituhan kung kanila bang paninindigan ang kanilang orihinal na kulturao hahayaan na lamang na magbago ito kasabay ng panahon upang makaraos at umunlad?
Source: Facebook
Hindi naman kami binigo ng aming huling destinasyon sa University of the Philippines - Los BaƱos nang aming obserbahan ang kanilang nightlife dito. Kami ay nasorpresa sa dami ng mga bar dito. Maaga kaming nagawi sa mga bar kaya't kakaunti pa lamang ang mga tao noon. Akala namin ay ganun na lamang ang dami ng taong pumupunta rito ngunit kami ay nagkamali. Sa pagkipas ng oras, mabilis ding nadagdagan nang nadagdagan ang mga taong gustong maglibang. Iba-iba rin ang mga taong tumatangkilik dito - merong mga dayuhan, estudyante, empleyado, atbp. Ngunit sa lahat ng ito, napansin kong pinakamarami talaga sa mga tumatangkilik dito ang mga estudyante. Ito marahil ay dahil sa kanilang kagustuhan na ring maglibang kahit papano at mapawi ang stress na naidudulot sa kanila ng kolehiyo. Gayunpaman, masasabi kong hindi pa rin nila nakakalimutan o pinababayaan ang kanilang pag-aaral. Sa aming pag-oobserba, mayroon kaming nakasabay na dalawang estudyanteng nag-iinuman din. Nagulat ako at dala pa ng isa ang kanyang laptop. Nang aking suriing mabuti, napagalaman kong gumagawa pala ang dalawa ng report para sa kanilang klase. Naisip ko, tunay ngang iskolar sila ng bayan.
Masasabi kong ang Laguna ay isang napakasimpleng bayang pinaninirahan ng mga simpleng tao rin. Simple lang din ang kanilang mga pangarap sa buhay - ang umunlad. Ngunit sa kanilang kagustuhang umunlad, sana ay huwag pa rin nilang makalimutan ang kanilang simpleng bayang tunay at subok nang naglilingkod sa kanila.